**Maaga nang nagniningning ang araw sa Valenzuela.** Sa loob ng maliit na apartment na yari sa pinagtagpi-tagping plywood at yero, maagang nagising si Ramon de la Peña sa tunog ng alarm ng lumang cellphone niya. 4 a.m. pa lang pero pakiramdam niya ay kulang na naman ang tulog niya.

“Kuya, ano ba ‘yan? Ang aga-aga,” ungol ni Lester mula sa sahig kung saan nakalatag ang manipis na kutson.

“Pasensya na, Less,” pilit na ngumiti si Ramon habang inaabot ang cellphone. “Kailangan kong maaga sa pabrika. Baka malate na naman ako. Ayokong makatikim ulit ng sermon ni Sir Dante.”

Sa gilid ng silid, umuubo si Mang Oscar, ang ama nilang may iniindang sakit sa puso. Nakaupo ito sa lumang monoblock chair, yakap ang payat na dibdib. “Anak, baka naman pwedeng magpahinga ka minsan. Mukhang wala ka ng tulog,” mahinahon nitong sabi.

Lumapit si Ramon at marahang hinawakan ang balikat ng ama. “Okay lang ako, ‘Tay. Sanay na. Tsaka kung magpapahinga ako, sino pa bang aasahan ninyo?” pilit niyang biro, kahit ramdam niya ang bigat sa dibdib.

Nag-inat si Joan mula sa kabilang sulok kung saan pinagdikit lang ang dalawang lumang foam para magkasya silang tatlo. “Kuya, may pamasahe pa ba ako mamaya sa training? Kahapon kasi hiniram ko ‘yung barya ni Ate Tess sa office.”

Napakamot si Ramon saka lumingon sa maliit na altar na may nakapatong na sobre na dati’y lalagyan ng ipon pero ngayon ay halos wala nang laman. “O Jo, ako na bahala. Pag-uwi ko galing trabaho, may extra naman ako sa tubig gallon delivery kay Mang Rolly. Tsaka mo na isipin ‘yan. Tapusin mo lang ‘yang training mo sa call center, ha.”

Napabuntong-hininga si Joan pero tumango. “Sige, kuya, basta pangako mo ha. Pag nakasweldo na ako, ikaw naman ang magpapahinga.”
“Deal,” sabay kindat ni Ramon, kahit alam niyang matagal pa bago mangyari ‘yun.

Mabilis siyang naghanda. Nagsuot ng kupas na asul na polo na may maliit na tatak ng pabrika ng appliances at pantalon na halos manipis na sa tuhod. Naglagay siya ng kaunting pomada sa buhok saka kinuha ang lumang backpack. Sa maliit na mesa, may nakaabang na tinapay at kape na halatang pinilit lang pagkasyahin ni Joan ang budget.

“Kuya, kain ka muna,” ani Joan.
“‘Doon na lang sa jeep. Hati na lang tayo ni Jun sa pandesal mamaya,” sagot ni Ramon sabay kindat. “‘Tay, inom na po kayo ng gamot ninyo, ha. Nandiyan na sa lata ni Nanay ‘yung pang-aga ninyo.”

Tumango si Mang Oscar. Bakas sa mukha ang hiya at pasasalamat. “Salamat, anak. Pasensya ka na sa tatay mo, ha. Kung malakas lang ako—”

Agad siyang pinutol ni Ramon. “‘Tay, huwag na huwag ninyong sasabihin ‘yan. Hindi kayo pabigat. Kailangan ko kayo. Sila Joan at Lester. Buo tayo. ‘Yun ang importante.”

Lumabas si Ramon ng apartment, sinalubong ng amoy ng basang lupa at taho ni manong naglalako sa kanto. Sumakay siya ng jeep, sumunod ang LRT, sa tricycle. Ganito ang araw-araw niyang sakripisyo. Pero hindi siya nagrereklamo. Sa mahabang biyahe, tumitingin lang siya sa bintana, pinagmamasdan ang lungsod na parang laging nagmamadali, at iniisip kung kailan kaya siya makakaahon.

Pagdating niya sa pabrika, sinalubong siya ng amoy grasa at tunog ng makina. “Ramon, buti ka pa late ngayon, ha,” sigaw ni Jun Relata, ang kaibigan niyang kapwa line inspector, habang nag-aayos ng checklist.

“Maaga akong nagising eh. Siguro naramdaman kong sisigawan na naman ako ni Sir Dante pag na-late ako,” sabay tawa ni Ramon.

“Eh baka naman pwedeng maramdaman mo rin na may utang ka pa sa ‘kin,” biro ni Jun sabay abot ng clipboard. “Oh, pinirmahan ko na ‘yung sa Section B. Ikaw na bahala mag-check ng defect sa motor.”

“Hay naku, utang na naman,” natatawang sagot ni Ramon. “Pagka-Sabado, may delivery ako ng galon kay Mang Rolly. Babayaran ko na ‘yung sa ‘yo.”

Habang abala sila sa pag-iinspeksyon ng appliances, dumating si Mr. Dante Balmes, ang supervisor nilang kilala sa pagiging mahigpit. Nakatupi ang manggas, naka-polish na sapatos, at laging may clipboard na parang extension ng kamay niya.

“Good morning,” sabi nito, pero malamig ang tono. “Ramon, kumusta ang output kahapon? May report sa akin na may dalawang unit na binalik sa quality control.”

“Sir, na-check ko na po ‘yon,” magalang na sagot ni Ramon. “May problema lang po sa wiring, pero naayos na po namin ni Jun. Hindi na po ‘yun mauulit.”

Dumango si Mr. Dante pero hindi nagpakita ng kahit anong aprobasyon. “Siguraduhin mo. Alam mong papunta dito sa susunod na buwan ang regional manager. Ayoko ng maipagpalpak sa linya natin. Isa pa, hindi pwedeng laging nasa borderline ng attendance. Isa ka pa naman sa maaasahan pagdating sa technical.”

“Naiintindihan ko po,” sagot ni Ramon.

Sa gilid, sumilip si Aling Lane, ang chismosang staff sa HR office, at bumulong sa kasamahan niya. “Si Ramon na naman. Sayang ‘yan. Gwapo pa naman. Kaso laging late. Baka mauna pa ‘yan sa retrenchment.”

Narinig ni June ang bulong at umiwas na lang sa tingin. Pero si Ramon, sanay na. Mas pinili niyang ituon ang pansin sa trabaho: pag-ikot ng turnilyo, pag-check ng ilaw, pag-test ng motor sa bawat unit. Pakiramdam niya, isa itong maliit na hakbang papalayo sa kahirapan. Kahit alam niyang maliit lang ang sahod at malaki ang agam-agam.

Pagsapit ng tanghali, sabay-sabay silang nag-break. Sa kantina, nagbaon lang si Ramon ng kanin at ginisang sardinas na kahapon pa. Umupo siya sa tabi ni June at nang ilang katrabaho nila.

“Ramon, balita ko nag-a-apply ‘yung iba sa bagong warehouse sa Bulacan. Mas malaki daw sweldo,” sabi ni Maris, isa sa mga babae sa linya.

“Eh, wala akong pamasahe pang-apply,” biro ni Ramon. “Tsaka dito na ako sanay. Basta huwag lang nila akong tanggalin, okay na ako.”

“Paano kung mag-retrenchment?” singit ni Leo. “Sabi nila Aling Lane, bawas daw halos 20% ng tao.”

Napatingin si Ramon sa plato niya. “Bahala na. Hangga’t hindi sinasabi sa akin na wala na ako rito, magtatrabaho pa rin ako ng maayos.”

Pagkatapos ng shift, hindi pa tapos ang araw ni Ramon. Sa halip na umuwi agad, dumidiretso siya sa maliit na bodega ni Mang Rolly kung saan siya tumutulong mag-deliver ng tubig galon tuwing Sabado at kung minsan ay pagkatapos ng shift kung may rush orders.

“Ramon! Oh, ‘to ‘yung listahan ng delivery sa kabilang barangay. Kayanin mo pa?” tanong ni Mang Rolly, hablot ang maliit na notebook.

“Kakayanin, Mang. Basta may dagdag akong kita. Go lang!” sagot ni Ramon sabay buhat ng mabibigat na galon. Ramdam niya ang kirot sa likod, pero mas mabigat pa rin ang iniisip niyang bayarin sa bahay.

Pag-uwi niya ng gabing iyon, halos 8:00 na. Pagbukas niya ng pinto, sinalubong siya ng amoy ng pritong talong at toyo. Nakaupo ang pamilya sa maliit na mesa.

“Kuya, buti nakauwi ka na. Akala ko magdamag ka na nang nag-deliver,” bati ni Lester.

“Wala nang orders. Buti na lang,” sagot ni Ramon at umupo. “Kumusta kayo dito?”

“Si Tatay, napagod kanina, pero okay na siya ngayon,” sabi ni Joan. “Nagpunta kami sa health center. Sabi ni Doc, kailangan daw talagang regular ‘yung gamot niya. Huwag daw pala lampasin.”

Napatingin si Ramon kay Mang Oscar. “‘Tay, hindi ninyo sinabi sa akin na sumama pakiramdam ninyo.”

“Ano ka ba, anak?” sagot ni Mang Oscar, pilit na ngumiti. “Konting hilo lang, pero ayos na. Ayoko na kayong istorbohin sa trabaho.”

Nagkatinginan silang magkakapatid. Ramdam ang bigat na hindi masabi.

Para mapawi ang tensyon, kinuha ni Lester ang remote at binuksan ang TV. Eksaktong oras ng balita. “At muli na namang tumaas ang stocks ng pinakamalaking korporasyon sa bansa, ang Velasco Holdings,” wika ng news anchor. “Sa kabila ng krisis, nananatiling matatag ang kumpanya ni Don Eliseo Velasco kasama ang kanyang nag-iisang anak na si Isabela Velasco.”

Lumabas sa screen ang larawan ng isang matandang lalaking naka-business suit, seryoso ang mukha, at sa tabi niya ay isang maganda at elegante na dalagang nakaputing dress—si Isabela.

“Grabe ang yaman nila, ‘no?” bulalas ni Joan. “Isang kumpanya lang, solve na ang problema natin.”

“Huwag ka na mangarap ng ganyan,” singit ni Lester. “Hindi naman tayo umaabot sa mundo ng mga ganyang kayamanan. Sila, nasa kabila ng TV. Tayo, nandito lang.”

Tahimik na pinanood ni Ramon ang balita. Sa isip niya, parang dalawang magkaibang mundo: ang kanilang maliit na apartment na kulang sa espasyo, at ang malalaking opisina na lagi niyang nakikita sa TV.

“Balang araw,” mahinang sabi ni Ramon, halos bulong. “Hindi man ako maging kasing-yaman nila, pero sisiguraduhin kong hindi na tayo tatapak sa ganitong hirap habang-buhay.”

Tumingin sa kanya si Joan. “Paano, kuya?”

Ngumiti siya, pagod pero may ningning sa mata. “Step by step. Trabaho muna. Ipon. Pag may pagkakataon, magtatayo tayo ng maliit na repair shop. Marunong naman akong mag-ayos ng appliances, ‘di ba? Baka doon magsimula ‘yung pagbabago natin.”

Sa gabing iyon, habang unti-unting namamatay ang ingay ng TV at isa-isang natutulog ang pamilya, nakatitig lang si Ramon sa kisame. Sa loob-loob niya, hindi niya alam kung kailan darating ang pagkakataon. Ang alam lang niya, bukas, gigising ulit siya ng maaga. Sasakay sa jeep, LRT, tricycle, papasok sa pabrika, at uulit ang siklo.

At sa mundong hindi niya inaasahan, may isang taong nanonood din sa parehong balita—si Isabela Velasco—na hindi pa alam na ang lalaking magliligtas sa kanya balang araw ay mahimbing na natutulog sa isang maliit na kwarto sa Valenzuela, kapit sa pangarap na balang araw ay aangat din sila mula sa hirap.

**KABANATA 2: ANG PAGBABAGO**

Maagang nagising si Ramon kinabukasan, pero hindi na dahil sa alarm. Nagising siya sa ubo ni Mang Oscar at sa mahinang ungol nito sa gilid ng kwarto. Madilim pa, pero ramdam niyang maghapon na naman ang pagod na kakaharapin niya.

“‘Tay,” mahinang tawag niya habang kinukusot ang mata. Lumapit siya agad sa ama. “Sumasakit po ba dibdib ninyo?”

Umiling si Mang Oscar pero halatang pinipigil nito ang hilo. “Konting hinga lang, anak. Baka napagod kahapon. Ang dami kong inasikaso habang wala kayo.”

“‘Tay naman, eh. Sabi ni Doc, bawal na kayo masyadong kumikilos,” napakunot-noong sabi ni Ramon. “Mamaya pag-uwi ko, pupunta tayo ulit sa health center.”

Sumingit si Joan mula sa kabila. “Kuya, sana maaga ka makauwi ngayon. Hindi na pwedeng si Lester sumama sa pila. May exam daw siya sa school.”

Tumango si Ramon at pilit na ngumiti. “Sige, ako na bahala. Basta kayo, mag-ingat dito sa bahay. Huwag ninyong papagurin si Tatay.”

Ilang oras lang ang lumipas, nasa pabrika na ulit siya. Pero iba ang pakiramdam sa araw na iyon. Parang mas mabigat ang hangin sa loob ng production area. Mas maingay ang mga makina, mas mabilis umikot ang linya, at mas seryoso ang mga mukha ng mga kasamahan niya.

“Uy, Ramon,” bulong ni June habang nag-aayos ng checklist. “Narinig mo na? Baka magbawas daw talaga ng tao. Nag-meeting ‘yung mga boss kahapon sa admin.”

Napahinto sa ginagawa si Ramon. “Saan mo naman narinig ‘yan?”

“Kay Aling Lane,” sabay irap ni June. “Sabi niya, may memorandang galing regional. ‘Efficiency restructuring’ ang term. Alam mo na ‘yun, ‘di ba? Bawas tao, dagdag trabaho sa matitira.”

Napalunok si Ramon. Tumingin siya sa linya ng appliances sa harap niya. Doon nakasalalay ang pagkain ng pamilya niya. “Chismis lang ‘yan. Huwag mo masyadong seryosohin hangga’t hindi sinasabi ni Sir Dante, wala pa ‘yan.”

Parang sagot sa sinabi niya, biglang sumigaw si Aling Lane mula sa may pintuan. “Mga sir, mga ma’am, pinapapunta ng lahat ng line leader sa conference room! May meeting daw kasama sina Engineer Paulo at si Ma’am Regina!”

Nagkatinginan sina Ramon at June. “Ang lakas ng chismis ko, ‘no?” pilit na tawa ni June, pero halata ang kaba.

Hindi line leader si Ramon, pero malapit ang station niya sa conference room. Habang patuloy ang pag-ikot ng appliances, pasimpleng sumilip siya sa bahagyang nakaawang na pinto. Kita niya sa loob si Engineer Paulo Maniego, nakasalamin at seryoso, kasama ang HR head na si Miss Regina Suarez. Sa harap nila, nakaupo si Mr. Dante at iba pang supervisors.

“Kung makuha natin ang partnership sa Velasco Holdings,” narinig ni Ramon na sabi ni Engineer Paulo, “kailangan malinis ang record natin. Walang quality issues, walang labor complaint, walang sandalo. Standard nila ‘yan.”

“Walang problema doon,” sagot ni Miss Regina. “Pero kailangan din nating magbawas ng mga empleyadong laging may violation. Mahirap magmukhang desente sa papel kung puno ng tardiness at memo ang records natin.”

“May listahan na ba kayo?” tanong ni Engineer Paulo.

Tumango si Dante at itinaas ang isang folder. “Yes, sir. May mga pangalan na tayong mino-monitor. Ayoko munang banggitin lahat ngayon, pero karamihan nasa production at QA.”

Parang biglang lumamig ang palad ni Ramon. Kahit hindi niya narinig ang pangalan niya, alam niyang hindi kanais-nais ang attendance record niya nitong mga nakaraang buwan.

Ilang segundo pa siyang nakinig, pero nang makita niyang papalapit ang anino ni Dante sa pinto, mabilis siyang bumalik sa linya at kunwari’y abala sa pag-check ng wiring.

“Mukhang may nalaman ka,” bulong ni June nang makabalik siya.

“Hindi ko pa alam kung gusto kong malaman,” mahinang sagot ni Ramon, pilit na nakatuon ang tingin sa trabaho.

Lumipas ang ilang oras na parang taon. Mas pinabilis pa ang takbo ng conveyor. Mula sa dati nilang target na 50 unit kada oras, ginawang 65. Bawas break, bawal tumambay, bawal mag-cellphone. Isang maling galaw, isang maling sukat ng turnilyo, pwede kang mamemo.

Pagsapit ng tanghali, hindi na gaanong maingay sa kantina. Halatang pagod ang lahat, at ang mga topic ay umiikot lang sa iisang bagay: retrenchment.

“Ramon,” bulong ni Maris habang nakatingin sa kanin at isang pirasong hotdog. “Pag natanggal ako rito, uuwi na lang siguro ako sa probinsya. Ikaw, anong balak mo?”

“Hindi pa ako natatanggal, Maris,” pilit na ngiti ni Ramon. “Wala akong balak umalis hangga’t kaya ko pang kumapit.”

“Eh kung kasama ka sa listahan?” singit ni Leo. “Kahit naman magaling ka, recorded pa rin ‘yang late mo, ‘di ba?”

Hindi agad nakasagot si Ramon. Sa halip, itinuloy niya ang pagkain at tahimik na tumingin sa orasan sa dingding. Isang maikling dasal ang pumasok sa isip niya. *Sana hindi siya mapasama.*

Pag-uwi niya ng gabing iyon, inabutan niya si Joan sa tapat ng pinto, parang may hinihintay.

“Kuya, buti nandiyan ka na,” salubong nito, halatang galing kung saan. “Kanina pa kita inaantay.”

“Bakit? May nangyari ba?” agad natanong ni Ramon, kabado.

“Si Tatay… medyo inatake kanina. Mahina lang daw sabi ni Doc. Parang mild. Pero kailangan talaga niyang uminom ng tuluy-tuloy ng gamot. Dinala namin sa health center. Ang swerte nga natin at nandoon si Doc. Reyes, kundi baka kung ano na nangyari.”

Parang may tumusok sa dibdib ni Ramon. “Nasaan si Tatay ngayon?”

“Nasa loob, nakahiga. Huwag ka masyadong maingay. Natutulog siya,” sagot ni Joan. “Kuya… napilitan akong umutang kay Aling Bebang para sa gamot. Tapos ‘yung pamasahe, kay Kuya Arnold ‘yung 5-6.”

Napapikit si Ramon. Kilala niya si Kuya Arnold. Palaging nakamotor, may logbook, laging nakangiti pero masakit maningil. “Magkano ang inutang ninyo?”

“Tatlong libo, lahat,” sagot ni Joan, halos pabulong. “Sabi ni Kuya Arnold, lingguhan daw bayad. May interes pa.”

“Tatlong libo,” ulit ni Ramon, parang inuulit lang sa sarili. Naramdaman niyang mas lalong bumigat ang balikat niya. “Sige, ako na bahala magbayad. Huwag ka nang mangamba.”

Pagsilip niya sa kwarto, nakita niyang nakahiga si Mang Oscar, may maliit na benda sa braso kung saan siguro kinuha ang dugo kanina. Lumapit siya at marahang hinawakan ang kamay ng ama.

“‘Tay,” mahinang sabi niya. “Ayos lang po ba kayo?”

Idinilat ni Mang Oscar ang mga mata. “Anak, pasensya ka na, ha. Gastos na naman ako sa inyo.”

“Huwag ninyong sasabihin ‘yan,” mabilis na sagot ni Ramon, pilit na matatag ang boses. “Gagawan ko ng paraan ‘to. Lahat ng kulang kayo sa akin, ‘Tay. Susunod kayo sa utos ni Doc. Walang pagpupumilit magtrabaho, wala nang pagbubuhat ng mabigat. Ako na ang bahala.”

Tumango si Mang Oscar at unti-unting pumikit ulit.

Kinaumagahan, hindi na iniisip ni Ramon ang retrenchment habang naglalakad siya papuntang health center kasama ang ama. Mas importante sa kaniya ngayon ang makuha ang reseta, ma-check ang BP nito, at masigurong hindi na mauulit ang inatake.

Pagkatapos sa health center, halos tumakbo siya pauwi para magbihis at habulin ang trabaho. Tiningnan niya ang oras. Lampas na sa dapat niyang alis. Wala na siyang choice; kailangan pa rin niyang pumasok. Kahit late, mas mabuti na ‘yon kaysa absent.

Pagdating niya sa pabrika, hinihingal siyang sumalubong sa gwardya. “Pasok na po ako, kuya,” hingal niya.

“Lagpas ka na halos ng isang oras,” sabi ng gwardya habang nagtatatak sa logbook. “Baka mainit naman ulo ni Sir Dante ngayon.”

At hindi nga siya nagkamali. Pagpasok niya sa production area, agad siyang sinenyasan ni June. “Ramon, pinapatawag ka sa HR. Kanina ka pa nila hinahanap.”

Biglang nanlamig ang pakiramdam niya. Dahan-dahan siyang naglakad papunta sa HR office kung saan naghihintay sina Aling Lane at si Mr. Dante. Naka-fold ang braso ni Dante, seryoso ang mukha.

“Ramon,” bungad ni Dante. “Alam mo bang ilang beses ka nang late nitong mga nakaraang buwan?”

“Sir, pasensya na po. Dinala ko lang po si Tatay sa health center. Inatake po siya kahapon.”

“Hindi ko sinasabing hindi importante ang pamilya mo,” putol ni Dante, malamig ang tono. “Pero may sinusunod tayong patakaran. Nawarningan ka na namin dati, ‘di ba? Ngayon na naman.”

Sumingit si Aling Lane, hawak ang papel. “Sir, may memo na po akong inihanda. 15 minutes late. At dahil repeat offense, this will be part of the record for future evaluation.”

*Future evaluation.* Alam ni Ramon ang ibig sabihin noon. Retrenchment list. Pwede siyang mapasama.

“Sir, maayos naman po ang trabaho ko, ‘di ba?” desperadong sabi ni Ramon. “Wala naman po akong major defect sa linya. Nag-o-overtime pa nga po ako. Kung pwede po, huwag ninyo namang isama sa listahan ‘yung tardiness ko. May sakit lang po talaga si Tatay.”

Tinitigan siya ni Dante, walang emosyon. “Gusto kitang tulungan, Ramon. Pero hindi pwedeng puro konsiderasyon sa ‘yo. May partnership tayong hinahabol. Kailangan malinis sa papel. Pirmahan mo na lang ‘tong memo, tapos ayusin mo na lang ang performance mo. That’s the best I can do.”

Tiningnan ni Ramon ang papel. Pangalan niya. Oras ng pagpasok. Naka-bold ang salitang “WARNING.” Nangangatog ang kamay niyang pumirma. Sa bawat stroke ng bolpen, pakiramdam niya ay isa itong hakbang palapit sa tuluyang pagkakatanggal.

Paglabas niya ng HR, sinalubong siya ni June. “Ano sabi?” tanong nito, nag-aalala.

“Memo lang daw,” ngumiti si Ramon pero may lungkot sa mata. “Pero alam ko na kung anong ibig sabihin nito.”

“Pasensya na, bro,” sagot ni June. “Pero kilala kita. Hindi ka basta-basta bibitaw. Makakaraos din tayo.”

Tumango si Ramon, at kahit mabigat ang lahat—ang bantang retrenchment, ang utang kina Aling Bebang at Kuya Arnold, at ang kalagayan ni Mang Oscar—pinilit niyang bumalik sa linya, maglagay ng turnilyo, mag-check ng wiring, at magpatuloy na parang wala siyang dinadala.

Hindi niya alam na sa malayo, sa isang mundong hindi niya abot, unti-unti na ring umiikot ang kapalaran patungo sa kanya, sa piling ng mga taong may kapangyarihang baguhin ang buhay niya sa paraang hindi niya kailanman inakala.