Pamilya Estrada sa abuloy kay Nora Aunor: ‘Pampagawa ng bahay ang halaga!’

  Pamilya Estrada sa abuloy kay Nora Aunor: 'Pampagawa ng bahay ang halaga!'

Dating Pangulong Joseph Estrada, Nora Aunor

MARAMING mga kaibigang artista ang nagbigay ng tulong sa namayapang National Artist at Superstar na si Ms. Nora Aunor, ayon sa report ni Nanay Cristy Fermin sa “Showbiz Now Na” vlog nila nina Wendell Alvarez at Romel Chika.

Bukod kay Pangulong Bongbong Marcos na nagbayad ng hospital bills ni Ate Guy ay nabanggit ni ‘Nay Cristy na hindi nagdadalawang-isip ang mga artista kapag nangangailangan ng tulong ang kapwa nilang kasamahan sa industriya.

“Hindi na namin babanggitin pa kung magkano ang kanilang ibinigay para po sa burol, lamay at mga gastusin ng ilang gabi sa Heritage (Memorial Park).

“Coco Martin ang puso mo talaga ay lantay na lantay, buong-buo maraming salamat sa iyo.

“Senator Robin Padilla hindi nagdalawang-isip. Senator Robin mula noon hanggang ngayon ang puso mo ay hindi na kailangang katukin.

Ms. Sharon Cuneta sa maraming pagkakataon ang dami-daming personalidad ang tinutulungan mo na ayaw mong ipasabi at hindi mo ipinalalabas, maraming salamat sa ngalan ng mga Noranians, mga anak ni Ms. Nora Aunor, Sharon Cuneta itinatawid namin sa iyo ang papuri sa ginintuang puso mo.

“At ang dating Pangulong Joseph Estrada at sa kanyang pamilya. Pampagawa po ng bahay ang halaga na sangkot sa mga tulong na ito, maraming-maraming salamat po sa inyong lahat kaya napakapalad ni Nora Aunor sa pagkakaroon ng mga katrabaho, kaibigan, kasama sa local na aliwan na tumulong sa kanya,” kuwento ni ‘Nay Cristy.

Sundot naman ni Rome Chika, “Korek at sa mga nabanggit nating mga pangalan na talagang (pasasalamat).

“’Yung iba hindi namin alam kung sinu-sino marami pa ring nag-abot ng tulong pero hindi na po namin iisa-isahin baka abutin po tayo ng hanggang bukas (Linggo),” sabi pa ni ‘Nay Cristy.

Nasambit ding napakaraming artista ang dumalaw kay Ate Guy na mga naging bahagi ng buhay niya, mga nakatrabaho at higit sa lahat ang kanyang pinakamamahal na Noranians na sobrang minahal din ng aktres noong nabubuhay pa siya.

“’Di ba mayroon nga nagsabi sa isang talumpati na magiging kalansay tayong lahat pero ang mga kuwentong Nora Aunor patuloy pa ring lilitaw at walang katapusan.

“Totoo po ‘yan maalala pa rin natin ang isang Nora Aunor bilang napakagaling na mang-aawit, isang aktres, pambansang alagad ng sining, at bilang siya, si Nora Aunor,” pahayag ni ‘Nay Cristy.