“Kung Ano ang Dapat: Isang Pagmumuni ng Isang Lalaking Nais Maging Responsableng Haligi ng Tahanan”
Bilang isang lalaki, isang asawa, at isang ama, masakit at mabigat sa dibdib ang pagbasa ng dalawang kuwentong ito, hindi dahil mahirap unawain, kundi dahil pinapaalala nito sa akin kung gaano kabigat ang papel na ginagampanan ng mga babaeng madalas nating inaakalang ‘kaya naman nila.’ Sa totoo lang, kaya lang nila kasi wala tayong ibang ginagawa kundi hayaang sila lang ang kumilos.

Có thể là hình ảnh về 3 người và văn bản
Sa unang kwento, isang inang piniling dalhin ang kanyang mga anak sa kamatayan. Marami ang huhusga. Ngunit sa mata ng isang responsableng lalaki, mas tanong ito ng Nasaan ang asawa? Nasaan ako noong pinasan ng asawa ko ang lahat ng sakit, gutom, at pagod? Dapat ay ako ang sandalan. Dapat ay ako ang unang nakakakita ng senyales ng kanyang paghihirap. Pero kung darating sa puntong mas pinili pa niyang tapusin ang lahat kasama ang mga anak namin, dapat tanungin ng bawat lalaking asawa: Anong klaseng suporta ba ang naibigay ko?
Ang pagiging ama ay hindi lang tungkol sa pagdadala ng pera sa bahay, kundi sa pagdadala ng presensya, pagkalinga, at pagdamay. Kapag ang isang ina ay wala nang lakas magmahal, maaaring hindi dahil hindi siya marunong magmahal kundi dahil walang pumuno sa kanya habang siya ay nauubos.
Sa pangalawang kwento, isang babaeng nanganak sa gitna ng sakit, takot, at kahihiyan. At sa huli, imbes na yakap, imbes na malasakit, ang sumalubong sa kanya ay malamig na mga mata at isang Jollibee paper bag, hindi para sa kanya, kundi para sa asawang mas inuna ang sariling gutom kaysa sa sugatang kaluluwa ng babaeng kakapanganak lang. Isa akong lalaki, at habang binabasa ko ito, naramdaman kong para bang ako ang nagkulang. Sapagkat marami sa amin ang ganito, nariyan sa katawan pero wala sa damdamin.
Kung ako’y tunay na responsableng lalaki, dapat marunong akong makinig hindi lang sa salita ng asawa ko kundi sa kanyang katahimikan. Dapat marunong akong damhin ang kanyang pagod, hindi para maging bayani kundi para maging katuwang. Dapat akong sumalo, hindi sumuko. Dapat akong umunawa, hindi manumbat. At higit sa lahat, dapat akong magmahal lalo na kapag siya ay wasak, hindi lamang kapag siya ay masaya at maayos.
Responsibilidad kong tiyaking hindi siya mararamdaman na mag-isa sa laban, na may kasama siyang lalaking handang makinig, kumilos, at tumindig. Sapagkat sa mundong puno ng ingay, pagkukulang, at panghuhusga, minsan sapat na ang yakap, ang pag-alalay, ang pag-upo sa tabi niya habang siya’y umiiyak. Hindi palaging kailangan ng solusyon, minsan kailangan lang ng presensya at malasakit.

Có thể là hình ảnh về 2 người và văn bản cho biết 'ล๑ -Galawang Francisco Jollibee'
Hindi sapat na sabihing “Okay na ’yan.” Hindi sapat na dumating lang at may dala pang pagkain lalo’t hindi naman para sa kanya. Ang pagiging responsableng lalaki ay hindi makikita sa dami ng pera kundi sa lalim ng pakikilahok sa emosyon, sa hirap, at sa mga panahong siya ang pinakamarupok.
Kung tunay tayong mga haligi ng tahanan, tayo ang unang dapat humawak kapag gumuho na ang bubong, hindi tayo ang unang lumalabas.
Ang mga kwentong ito ay hindi lang paalala, ito ay babala. Sa tuwing hindi tayo makikinig, sa tuwing hindi natin bibigyang halaga ang hinaing ng ating asawa, tayo rin mismo ang nagtutulak sa kanila sa desperasyon, sa sakit, at minsan, sa huling paalam.
Kung gusto kong tawagin ang sarili kong ama, asawa, at lalaking responsable, dapat akong matutong maging tahanan, hindi lang ng katawan nila, kundi ng kanilang damdamin, ng kanilang pagod, at ng kanilang mga hinaing.
Hindi pwedeng siya lang palagi. Dapat sabay. Dapat kasama. Dapat ako rin.