𝗡𝗶-𝗿𝗲𝗰𝗼𝗿𝗱 𝗸𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗹𝗮𝗺𝗯𝗶𝗻𝗴𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗿𝗼𝗼𝗺𝗺𝗮𝘁𝗲 𝗸𝗼.. 𝗻𝗴𝗮𝘆𝗼𝗻 𝗵𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗻𝗮 𝗮𝗸𝗼 𝗺𝗮𝗽𝗮𝗸𝗮𝗹𝗶.

Wala pa akong karanasan sa lalaki. Yung mga alam ko lang ay galing sa kwento ng roommate kong super OA sa jowa niya. Lahat ng sweet nothings, lambingan, baby talk, parang teleserye sa tindi.

Kaya isang gabi, naisip kong magtrip. Nilabas ko ang phone ko, binuksan ang sound recorder, tapos inilagay sa tabi ng unan ko. Plano ko lang naman, bukas iparinig sa kanya para matauhan siya sa ingay ng mga higikgikan nila at petty na away-bati.

The room was dim, humid, and quiet, except sa mga bulungan ng roommate ko at bf niya. Medyo nakakatawa – yung tipong magtatampuhan tapos aamuin then tawanan na naman. Nakuha ko nang maka idlip at nang ma-alimpungatan ay tinignan ang phone – 40 minutes nang nag rerecord. Excited akong iparinig bukas.

Pero bago matulog ng tuluyan, naisip kong i-check kung malinaw nga ang recording. Sinilip ko din muna sila sa kabilang side ng room – wala! Sila siguro yung naririnig kong nasa kusina. Ayun na – kinuha ko ang earphones, sinaksak sa phone, at play. At first, puro halakhak at sweet talk nila. Jackpot, malinaw na malinaw. Pero after a few minutes, nag iba ang timpla. Malalim na paghinga at parang kulob ang tunog.

“Papa… papa, tulungan mo ako…”

Napaupo ako bigla. Hindi iyon boses ng roommate o boyfriend niya. Batang lalaki. Mahina at parang nagmumula sa malayo. Kinabahan ako. Pinause ko, nirewind. Ulit: “Papa… asan ka na?”

Hinila ko earphones ko. Nilapit ko phone sa tenga ko directly. Same thing. Pumintig ang batok ko, lumingon ako ng paligid ng kwarto. Madilim ang sulok malapit sa cabinet, parang mas kumipot ang hangin.

Saka ko naalala — last year – noong bago palang kami dito, nang mag-warning si landlady. “Kung may marinig kayong batang naghahanap ng tatay niya sa dis-oras ng gabi… wag niyo na lang pansinin. Wag niyo siyang sagutin.” Isang babala na binalewala lang namin dahil di naman kami naniniwala sa ganoon.

Humigpit hawak ko sa phone. Gusto kong burahin ang recording, pero parang namanhid daliri ko. Nag-play pa rin. This time, mas malinaw. “Papa… wag mo kong iwan…”

At that exact moment, bumukas ang pinto. Roommate ko, nakangiti, clueless, kumakaway. “Uy, gising ka pa pala. May ikukwento ako bukas.”

Pinatay ko agad phone screen. Hindi ko alam kung paano ko ipapaliwanag… na bukod sa lambingan nila, may sumabay na boses sa recording.

Sinabihan ko na lang sila na wag akong iwan at gisingin ako sakaling lalabas sila. Tumango na lang yung dalawa at ako di na napakali hanggang mag umaga.

Ipagpatuloy ang kwento

Kinabukasan, halos wala akong tulog. Pinilit kong maging normal habang kumakain kami ng roommate ko at ng boyfriend niya, pero nanginginig pa rin kamay ko. Gusto kong ikwento, pero paano kung isipin nilang nababaliw ako?

Pagbalik ko sa kwarto, inisip kong i-delete na lang ang recording. Pero nang buksan ko ang file, wala na. Naka-save pa rin sa listahan, pero pag play ko, static noise na lang. Para bang binura ng kung sino ang boses na narinig ko kagabi.

Lumipas ang ilang araw. Akala ko nakalimutan ko na, hanggang isang gabi, bumalik ang mga lambingan nila. Muli kong naisip i-test kung talagang totoo ang nangyari o imahinasyon lang. Kaya sinet ko ulit ang recorder at iniwan sa tabi ng unan.

Alas-dos ng madaling araw, bigla akong nagising. Tahimik ang buong kwarto. Walang tawanan, walang bulungan. Kinuha ko ang phone — recording pa rin, 1 hour na. Nakalagay: Voice Memo 02 – 2:11:37.

Nang i-play ko, wala akong narinig kundi hinga. Hinga ko, hinga nila. Tapos… “Papa… andito ka na ba?” Mas malinaw. Mas malapit.

Nanlaki mata ko — kasi sa mismong headphone, hindi na sa recording, kundi diretso sa tenga ko ko narinig ang boses. Hinila ko agad earphones, pero kahit wala na, patuloy ko pa ring naririnig sa paligid ng kwarto.

TOK! TOK! TOK!
May kumatok sa ilalim ng kama.

Roommate ko at boyfriend niya, parehong mahimbing ang tulog. Nanginginig ako, dahan-dahang sumilip sa ilalim. Walang bata. Wala. Pero may maliit na recorder na hindi akin, umiilaw ang pulang LED, at naroon… paulit-ulit, nagpi-play ng parehong boses:

“Papa… wag mo kong iwan…”